
Mga kuha mula sa regional rollout ng Department Order No. 249, series of 2025 at DOLE Assistance for Requests Management System mula Pebrero hanggang Enero ngayong taon (Litrato mula sa DOLE Regional Offices at NCMB Regional Branches)
Quezon City – Apat na buwan matapos pirmahan ang Department Order (D.O.) No. 249, series of 2025, matagumpay na naisagawa ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ang regional roll out ng nasabing batas sa 12 rehiyon sa buong bansa. Kabilang na dito ang mga rehiyon sa Luzon (National Capital Region, Region 1, 2, 3, 4A,4B), Visayas (Region 6, 8), at Mindanao (Region 9, 11, 12, 13). Dagdag pa rito ang kamakailan lamang na rollout ng D.O. sa National Labor Relations Commission (NLRC) noong ika-17 ng Hunyo, na dinaluhan ng mga Single Entry Assistance Desk Officers (SEADOs) sa NLRC Regional Arbitration Branches mula sa rehiyon ng NCR, 4, at 3.
Ang regional rollout ay isinasagawa ng NCMB alinsunod sa direktiba ni Kalihim Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang mapalakas ang implementasyon ng Single Entry Approach o SEnA program sa buong Pilipinas.
Related article:
https://ncmb.gov.ph/bagong-regulasyon-para-sa-sena-pinirmahan-na/
Matatandaan na bago ilunsad ang Department Order No. 249, series of 2025 noong ika-7 ng Pebrero ngayong taon, inilunsad na rin ng DOLE ang bagong digital system na DOLE Assistance for Requests Management System o DOLE ARMS noong Enero ng kasalukuyang taon. Layunin ng DOLE ARMS na magbigay ng alternatibong paraan para sa mga manggagawa at namumuhunan upang makapagsumite ng Request for Assistance (RFA) gamit ang makabagong teknolohiya. Kasabay ng regional rollout ng D.O., isinagawa rin ang ang pagsasanay ng mga SEADOs upang gamitin nang mahusay ang bagong management system, na magpapabilis at magpapahusay sa pagtugon sa mga kliyenteng lumalapit sa Departamento.
Related article:
https://ncmb.gov.ph/one-click-one-solution-ncmb-and-dole-launch-arms-for-a-hassle-free-assistance-process/
Sa kanyang mensahe noong ika-19 ng Mayo, binigyang-diin ni DOLE Regional Office MIMAROPA Director Naomi Lyn Abellana ang mahalagang gampanin ng mga SEADOs sa pagsisiguro ng pang-industriyang kapayapaan sa mga lugar ng paggawa. Samantala, noong ika-14 ng Mayo, ipinaabot naman ni DOLE Regional Office 1 Director Exequiel Ronie Guzman sa mga dumalo sa regional rollout ang kahalagahan ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya upang mapabuti ang serbisyo at epektibong implementasyon ng programa. Aniya, “With the launch of DOLE-ARMS, we are embracing digital solutions to provide faster, more transparent, and more accessible assistance to workers and employers alike. This serves as a step in modernizing our labor dispute resolution services (Sa paglulunsad ng DOLE ARMS, tinatanggap natin ang mga digital na solusyon upang makapagbigay ng mas mabilis, hayag, at mas madaling maabot na tulong para sa mga manggagawa at namumuhunan. Nagsisilbi itong hakbang upang gawing makabago ang serbisyo ng pagresolba ng problema sa trabaho.)”
Ayon sa ulat na inilabas ng NCMB kaugnay ng implementasyon ng SENA program sa buong bansa, naitala ang higit 26,000 na bagong RFA na natanggap ng DOLE, NCMB, at NLRC mula Enero hanggang Abril ng kasalukuyang taon. Sa kabuuan, 94.84% na ng mga hinawakang RFA ang na-dispose, samantalang 69.05% naman sa mga ito ay naresolba sa pamamagitan ng pagkakasundo ng magkabilang panig.
Ang NCMB, sa tulong ng mga DOLE Regional Offices at mga NLRC Regional Arbitration Branches, ay patuloy na bumibisita sa mga rehiyon upang ilunsad ang D.O. at ang DOLE ARMS. Ito ay upang mapalakas at mapabuti pa ang pagbibigay ng serbisyo sa mga kliyenteng lumalapit sa Departamento lalo na sa aspeto ng agarang pagtugon sa mga isyung may kinalaman sa paggawa.end/irgo