Parañaque City – Para sa isang makabuluhang hakbang upang paigtingin ang kapayapaan sa larangan ng paggawa, ang National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ay nakiisa sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa paglagda ng Department Order No. 249, series of 2025, ang Revised Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Single Entry Approach (SEnA) program o SENA Rules. Ang nasabing IRR ay opisyal na inilunsad sa pamamagitan ng paglagda ng DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma sa IRR na ginanap sa Sequoia Hotel Manila Bay sa Lungsod ng Parañaque noong ika-pito ng Pebrero 2025. Kabilang sa signing ceremony ay ang mga opisyal ng Central at Regional Offices ng DOLE at ng attached agencies nito.
Ang aksyon na ito ng DOLE ay nagpapatunay sa mas pinaigting nitong pangako na pagtibayin at pagandahin ang programa alinsunod sa pagbabago sa larangan ng sektor ng paggawa, kaakibat ng mga makabago at modernong teknolohiya. Ang panibagong alituntunin ay naglalayong pabilisin ang proseso ng pagresolba ng mga problema sa trabaho, gamit ang mga makabagong teknolohiya at online platforms upang mabigyan ang mga manggagawa at namumuhunan ng mas patas, mabilis, at madaling paraan tungo sa hustisya sa trabaho.
Layunin ng bagong IRR na nagmula sa Department Order No. 151, series of 2016, ang mga sumusunod na pagbabago na naaayon sa mga bagong polisiya ng DOLE:
Pwede nang magsumite ng reklamo sa kahit saang opisina ng DOLE na malapit sa lugar ng tirahan ng nagsasampa;
Pag-dagdag ng mga online platforms upang magamit sa mga conferences; at
Mas pinalakas na proteksyon para sa mga platform ng gig workers at iba pang nasa hindi karaniwang (non-standard) uri ng ng trabaho.
Ayon sa pinalakas na #SENARules, maari ng magsumite ang mga manggagawa at namumuhunan ng kanilang hinaing sa pamamagitan ng bagong inilunsad na sistema na binuo ng DOLE sa pangunguna ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB), ang DOLE Assistance for Request Management System o DOLE ARMS, at ang iba pang paraan ng online filing kabilang na ang e-mail at social media apps.
Ang NCMB, bilang isa sa mga nagpapatupad ng programa ng SENA, ay naglalayon na magbigay ng tulong sa kahit sinong manggagawa at namumuhunan na may hindi pagkakaunawaan sa trabaho. Sa bagong polisiyang inilunsad, mas mabibigyan ng solusyon ng DOLE Regional Offices, NCMB at NLRC ang mga inihahain na reklamo sa patas at mabilis na paraan, habang kinikilala ang karapatan ng mga manggagawa.
Ang bagong SENA IRR ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng DOLE at NCMB. Ito ay bibigyan bisa makalipas ang labing limang araw makaraang ito ay mailathala sa isang pahayagan ng may pangkalahatang sirkulasyon.
end/nvg