
Quezon City – Matagumpay na naitala ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ang 100% Disposition Rate sa unang tatlong buwan ng taong 2025 matapos maresolba ang mga sigalot sa pagitan ng mga manggagawa at namumuhunan sa idineklarang apat (4) na Actual Strike at isang (1) Actual Lockout. Sa pamamagitan ng paraan ng conciliation and mediation, naresolba ang limang (5) Actual Strike at Actual Lockout sa katampatan na 15 araw.
Maliban sa Actual Strike/Lockout, nakapagtala rin ang NCMB ng 70.37% settlement rate para sa mga Notices of Strike at Lockout, at mga kasong inilapit sa Preventive Mediation, samantalang 43.61% disposition rate naman ang naitala para sa mga kasong naisumite sa Voluntary Arbitration program ng NCMB, mas mataas nang 2.4% sa naitalang Disposition Rate sa unang quarter ng nakaraang taon. Nagpapatunay ang mga datos na ito na ang pang-industriyang kapayapaan ay hindi mahirap makamit sa tulong ng maayos na pag-uusap at pagkakaunawaan ng mga manggagawa at namumuhunan.
Matatandaang noong ika-20 ng Enero ng kasalukuyang taon, inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang panibagong online system para sa Single Entry Approach program, ang DOLE Assistance for Requests Management System (ARMS). Sa tulong ng digital system, nakapagkamit ang NCMB ng 63.51% settlement rate sa mga Requests for Assistance na hinawakan ng Central Office at mga Regional Conciliation and Mediation Branches (RCMBs) sa unang quarter ng taong 2025.
Sa kabuuan, nagsilbing tulay ang mga programa ng NCMB upang mabigyan ang 6,559 na manggagawa ng higit sa P1.733 billion na monetary benefits o award. Kabilang dito ang isang manggagawa sa Region VII na nakatanggap ng humigit kumulang P5.8 million para sa kanyang disability benefit claim.
Upang mapalakas at masigurado ang maayos na usapan sa loob ng lugar paggawa, at mapanatili ang pagkakaroon ng pang-industriyang kapayapaan, ang NCMB ay patuloy pa rin na bumibisita sa mga kumpanya sa buong bansa upang magtayo ng Labor-Management Committee/Council (LMC) at Grievance Machinery (GM). Mula Enero ng kasalukuyang taon, 97 na bagong LMC at 97 na bagong GM ang naitayo sa tulong ng mga RCMBs. Bukod pa rito, 868 na LMC at 950 na GM ang pinalakas sa loob ng unang tatlong buwan.
Upang mahikayat ang mga kumpanya na magtayo ng kanilang LMC at GM, inilunsad ng NCMB ang Twin Search for Outstanding Labor-Management Cooperation (LMC) and Grievance Machinery (GM) for Industrial Peace noong nakaraang ika-28 ng Marso.
Ang reward at recognition program na ito ay ginaganap tuwing ika-dalawang taon. Naglalayon nitong ipamalas ang mga magagandang pamamaraan at kwento ng tagumpay pagdating sa pagresolba ng hidwaan sa lugar paggawa, upang magsilbing halimbawa at inspirasyon para tularan ng ibang mga kumpanya.
Related Article:
Para sa mga interesadong sumali sa kasalukuyang Twin Search for Outstanding LMC and GM for Industrial Peace, bisitahin lamang ang link upang makita ang mga kinakailangang isumite at iba pang impormasyon – https://ncmb.gov.ph/2025-twin-search/.
end/irgo